Eksena sa may Paco Public market sa Maynila noong Setyembre 14, 2021. George Calvelo, ABS-CBN News
MAYNILA (UPDATE) — Kaniya-kaniyang diskarte ang mga local government unit (LGU) sa Metro Manila sa pagpapatupad ng Alert Level 4 simula ngayong Huwebes.
Ang Alert Level 4 ay bahagi ng bagong alert level system na kapalit ng mga community quarantine status. Dalawang linggong nasa ilalim ang Kamaynilaan sa level 4.
Sa ilalim ng bagong sistema, nadagdagan ang mga negosyong maaaring magbukas pero limitado lang ang kapasidad, at iiral din ang mga granular lockdown.
Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Makati Mayor Abby Binay na self-policing ang ipinatutupad sa lungsod, kung saan iyong mga establisimyento o negosyo na ang magkukusa kung ano ang dapat nilang gawin.
Umaasa si Binay na magiging tapat at makikipagtulungan ang business community, lalo't aminado siyang hindi naman nila matututukan araw-araw ang mga establisimyento.
"Nag-o-audit kami ngayon ng mga empleyado na nagtatrabaho sa mga commercial establishment, kung ilan ang bakunado. Pero admittedly, 'di naman namin kaya i-monitor 'yan on a daily basis... We're really hoping sila na ang magpulis sa sarili," ani Binay.
Ayon naman kay San Juan City Mayor Francis Zamora, kinausap na niya ang mga mall manager hinggil sa mga bagong patakaran.
Kakabitan umano ng sticker ang mga establisimyento kung saan nakasaad na fully vaccinated na ang mga empleyado.
Isang task force at enforcement team naman ang maglilibot sa Pasay para tiyaking nasusunod ang mga panuntunan, ayon kay Mayor Imelda Calixto-Rubiano.
Umabot sa 373 ang nahuli ngayong Huwebes sa Pasay dahil sa paglabag sa health protocol, gaya ng hindi pagsuot ng face mask at shield, hindi pagsunod sa physical distancing, at paglabag sa curfew.
Sa Maynila, tutulong naman ang bureau of permits ng LGU sa Manila Police District para i-monitor kung sumusunod sa guidelines ang mga establisimyento.
Ayon kay Vice Mayor Honey Lacuna, naglabas na ng executive order si Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na inaatasan ang mga pulis ng kanilang mga dapat gawin.
Sa Caloocan, bumuo ang LGU ng grupo mula sa business permit department para mag-inspeksiyon ng mga restaurant at iba pang nagbukas na negosyo para tiyaking nasusunod ang mga panuntunan.
Ayon kay Mayor Oscar Malapitan, tumataas pa rin ang kaso ng COVID-19 sa lungsod, lalo na nitong nakalipas na dalawang linggo.
Dumarami rin ang mga lugar na naka-granular lockdown sa Caloocan, ayon kay Malapitan, na sinabi ring pinag-aaralang mabuti ng LGU ang sitwasyon bago magdeklara ng lockdown.
"Halimbawa, sa isang kalye, dalawa, pero malalayong bahay naman at hindi magkakasama ang naninirahan doon, hindi pa namin nila-lockdown," ani Malapitan.
"Pero 3 o 4, at maraming mga tao sa bahay na mayroon tinamaan, automatic lockdown 'yon. Puwedeng house lockdown, puwedeng street lockdown," dagdag ng alkalde.
Kumpiyansa naman si Quezon City Mayor Joy Belmonte na mas malinaw na para sa mga nagbukas na negosyo ang mga panuntunan.
Iniutos ni Belmonte ang pagtatalaga ng public safety officer sa bawat negosyo para siguruhing nasusunod ang health protocols.
Ayon naman kay Metro Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos, naging maayos ang unang araw ng pagpapatupad ng bagong sistema.
Ipinatupad ang alert level system sa harap ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa tala nitong Miyerkoles, umabot na sa 2.2 milyon ang kabuuang bilang ng nagkaka-COVID-19 sa bansa buhat nang mag-umpisa ang pandemya.
— May ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.