Libo-libo hindi pa nakakatanggap ng 2nd tranche ng SAP

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2020 10:50 PM

MAYNILA - Sinagot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tanong kung bakit hindi pa nakukumpleto ang pamimigay ng pangalawang ayuda sa mga mahihirap na kababayan na apektado sa panahon ng pandemya.

Sa budget deliberation ng Kamara para sa panukalang pondo ng DSWD sa susunod na taon, tinanong ni Gabriela Rep. Arlene Brosas kung ano ang kanilang dahilan at hindi pa rin kumpletong naipamimigay ang ikalawang ayuda.

Sinabi ni DSWD Undersecretary Danilo Pamonag na hinihintay pa nila ang mga local government unit (LGU) na ma-upload ang nasa 18,000 social amelioration card forms para sa ikalawang tranche ng cash subsidies ng pamahalaan habang hindi pa rin validated ang nasa 70,000 SAP 2 beneficiaries.

“We are still awaiting for some 18,000 names of beneficiaries and for validation which is being undertaken by LGUs. We still await for some 70,000 names of beneficiaries to be validated and all of these shall be uploaded and validated before going to the Central Office. These are the reasons why we have not yet completed to 100 percent of our target accomplishment,” ani Pamonag.

Sa kabila nito, sinabi ni DSWD Secretary Rolando Bautista na umabot na sa P82.7 bilyon ang naipamimigay sa 13.8 milyong benepisyaryo sa pamamagitan ng direct payout at digital payment.

Dahil dito, masasabing 87 porsiyento na ang kanilang accomplishment rate.

Samantala, aabot sa 81,000 na drayber ang nakakakubra na ng kanilang ayuda mula sa pamahalaan.

Aabot sa P186 milyon ang natatanggap ng mga driver ng TNVS habang P461 milyon naman para sa mga jeepney driver ang naipapamahagi.

Sa kabuuan, aabot sa P648 milyon ang naipapamahagi na.

Hindi naman masabi ng DSWD kung ilang benepisyaryo ang naisumite na sa kanila ng LTFRB dahil patuloy nilang bina-validate ang mga naisumiteng pangalan.