PatrolPH

DepEd naghahanda ng monthly internet allowance para sa mga guro, kawani

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2020 12:49 PM

MAYNILA - Posibleng magbigay ng buwanang connectivity at communications allowance ang Department of Education (DepEd) sa kanilang mga guro at personnel, ayon sa isang opisyal ng ahensiya. 

 

Sa harap ito ng panawagan ng ilan na dagdagan ang pondo para sa allowance ng personnel ngayong nagpapatupad ng blended learning methods - o halong offline at online learning - sa bansa sa harap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Sa isang memorandum na ibinahagi ni Education Undersecretary Alain Pascua sa kaniyang Facebook page, nanawagan ang DepEd sa regional, division, at school employees na i-register at i-update ang kanilang impormasyon sa DepEd commons account para mapaghandaan ng ahensiya ang pamimigay ng connectivity allowance. 

“Kasalukuyang pinaghahandaan ang posibilidad ng pagbibigay ng buwanang probisyon para sa connectivity at communications ng mga teachers at personnel ng DepEd,” ani Pascua sa kaniyang Facebook page. 

“Upang makatulong sa pagpaplano at pagtukoy kung ano ang malakas na signal sa bawat lugar at tahanan, hinihiling po namin na mag-register at mag-update ng kanilang mga DepEd Commons Account,” dagdag niya.

Kailangan kasing ilagay ng mga empleyado ang kanilang contact details, maging ang mobile internet network provider na gusto nilang gamitin para sa online teaching. 

Ang mga naka-register at naka-activate lang ang accounts ang mabibigyan ng allowance oras na maipatupad ito, ayon kay Pascua. Binibigyan sila nang hanggang Setyembre 21 para makarehistro. 

Suspendido ang face-to-face learning sa mga paaralan ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Magbubukas ang klase sa Oktubre 5 para sa mga pampublikong paaralan. May mga pribadong eskuwelahan nang nagsimula ng klase nitong Hulyo pero may ilan pa ring nagpasya na susunod sila sa schedule na itinalaga ng DepEd. 

At ngayong ipinapatupad na ang distance learning, may ilang guro at estudyante na naghayag na nahihirapan umano sa online set-up. 

Nanindigan naman ang DepEd na walang academic freeze ngayong taon sa kabila ng panawagan ng ilan na kanselahin na ang school year dahil sa pandemya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.