Heinous crimes convicts di na kasali sa GCTA

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Laya na sana pero naudlot pa.

Ganoon ang kuwento ng 77 taong gulang na lalaki na na-convict sa kasong murder at nakalaya noong Mayo dahil sa good conduct time allowance (GCTA).

Pero sumuko siya noong Sabado dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isa lamang ang lalaki sa 612 sumuko mula sa kabuuang halos 2,000 na nahatulan sa heinous crimes o karumal-dumal na krimen na napalaya sa ilalim ng GCTA law.

Sa ilalim ng bagong implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 10592 o GCTA law, hindi na kasama ang mga nakulong dahil sa karumaldumal na krimen sa mga maaaring makinabang sa pinalawig na GCTA.

Nilagdaan ang bagong IRR ngayong Lunes nina Justice Secretary Menardo Guevarra at Interior Secretary Eduardo Año.

Bukod sa mga nakasuhan ng karumal-dumal na krimen, disqualified o hindi na maaaring makakuha ng GCTA ang mga recidivists at habitual delinquents o iyong mga paulit-ulit na nakagawa ng krimen, at escapees o mga tumakas sa kulungan. 

Nilinaw rin kung ano-ano ang mga itinuturing na heinous crime:

  • Treason
  • Piracy
  • Qualified bribery
  • Parricide
  • Murder
  • Infanticide
  • Kidnapping and serious illegal detention
  • Robbery with violence against or intimidation of persons
  • Destructive arson
  • Rape
  • Plunder
  • Ilang drug-related offenses
  • Carnapping with rape/homicide

Ibibigay lamang ang time allowance matapos ang ikalawa, ikalima, ikasampu at ikalabing-isang taon sa kulungan ng sino mang preso.

Kailangan na ring ilathala ang mga pangalan ng mga makakalaya.

Bagaman napirmahan na ang IRR, may 60 araw pa ang joint review committee ng Department of Justice at Department of the Interior and Local Government na repasuhin ang manual para maayos ang pagpapatupad ng batas.

Hindi naman nababahala ang Palasyo sa mababang bilang ng mga sumuko kahit sa Huwebes na ang nakatakdang matapos ang 15-day deadline ni Duterte.

Hindi pa masabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kung itutuloy ni Duterte ang P1 milyong pabuya para sa mga hindi susukong preso. -- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.