4 na Nigerian timbog sa pagbili ng bank account

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2019 09:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 4 na Nigerian dahil sa pagbili ng mga bank account para magamit umano sa modus.

Sangkot ang grupo sa pamemeke ng mga ATM at credit card, sabi ng NBI.

Dinampot ng mga taga-NBI Cybercrime Division si Lauren Emeka matapos itong maaktuhang tinanggap ang ATM card mula sa testigong si "Lian."

Nakuha sa mga suspek ang isang maleta na may lamang safe na puno ng mga pekeng US dollars, mga gamit panggawa ng mga debit at credit card, mga security strip at sticker.

Nangongopya ng mga bank account ang mga suspek, ayon kay Jeremy Lotoc ng NBI Cybercrime Division.

"'Pag nakuha na nila 'yong buong card, buong pangalan, information, gagamitin nila ito in an online consumption," paliwanag ni Lotoc.

"'Yong may-ari ng card, walang kaalam-alam, 'yong card niya nagbabawas," ani Lotoc.

Nakilala raw ni "Lian" si Emeke sa Messenger.

Nagduda si "Lian" sa intensiyon ni Emeke nang magsabi ito na kailangan niyang magamit ang bank account ni "Lian" para sa negosyo.

"Bibilhin niya 'yong 4 na account sa bank ko," ani "Lian."

Todo tanggi naman ang mga suspek sa mga paratang.

Kulong ang 4 na suspek sa kasong estafa, illegal use of access device, at counterfeit bank notes.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.