Pinaslang na mayor ng Ronda, Cebu, inilibing na

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 08:50 PM

RONDA, Cebu - Humihiling ng mabilisang imbestigasyon sa Philippine National Police (PNP) ang pamilya ni Mayor Mariano Blanco III.

Pinatay si Blanco sa loob ng kaniyang opisina noong Setyembre 5.

Bago inilibing nitong Linggo si Blanco, nagsagawa muna ng maikling programa ang mga empleyado ng munisipyo para sa kaniya.

Ipinuwesto sa harap ng munisipyo ang kabaong ni Blanco. Nagsagawa rin ng eulogy at isa-isang nilagyan ng bulaklak ang kabaong ng opisyal.

Nagsuot ng itim na ribbon ang mga empleyado para ipakita ang kanilang pakikiramay.

Matapos ang programa, isinunod na ang libing ni Blanco sa Ronda Public Cemetery.

Hiling ng mga kamag-anak ng opisyal ang hustisya sa pagpatay sa alkade.

Nais rin nilang iparating sa pulisya na bilisan ang pagsasagawa ng imbestigasyon.

Bumuo na ang PNP ng special investigation task force para imbestigahan ang pagkamatay ni Blanco.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.