Ompong, pumatay, naminsala ng kabuhayan at mga pananim

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 07:28 PM | Updated as of Sep 16 2018 11:29 PM

State of calamity, idineklara sa ilang lalawigan

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA -- Pinsala sa impraestruktura, mga kabahayan at mga pananim, bukod pa sa mga nabawian ng buhay, sa mga dinaanang lalawigang sa hilagang bahagi ng Luzon ang iniwan ng bagyong Ompong. 

Isinailalim na sa state of calamity nitong hapon ng Linggo ang mga lalawigan ng Cagayan at Kalinga dahil sa pananalasa ng itinuturing na pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa nitong taon.

Sa pagdeklara ng state of calamity, mapabibilis ang paglabas ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar at mapapako rin ang mga presyo ng bilihin.

Ayon naman kay Philippine National Police spokesperson Benigno Durana, nasa 49 ang ang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyo.

Subalit patuloy ang pagpasok ng mga ulat ng mga namatay mula sa iba-ibang lugar.

Sa Cagayan, kung saan nag-landfall noong madaling araw ng Sabado ang Ompong, umabot sa P4.6 bilyon ang halaga ng mga nasirang pananim sa buong lalawigan.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa Tuguegarao City, sinuri pa ng magsasakang si Benny Taguinod ang mga pananim na mais sakaling may makuha pa siyang puwedeng ibenta.

"Wala kaming mabenta na mais namin, wala kaming pambili ng bigas," ani Taguinod.

Sa bayan ng Gattaran, labis namang pinoproblema ng mga residente kung paano makababangon matapos padapain ng mga malalakas na hanging dala ng bagyo ang kanilang mga bahay.

Ayon sa disaster management office ng bayan, higit 1,000 pamilya ang naitalang apektado ng bagyo.

Kalat-kalat na mga poste, dingding at bubong na lamang ang makikita sa lupang dating kinatitirikan ng bahay ng residenteng si Joel Lobrigo.

Sa kasagsagan ng bagyo, nasa bahay sila ng kaniyang dalawang anak. Pero nang makaramdam na tila hinihigop na sila, inilipat niya ang mga anak sa kapitbahay na may mas matibay na bahay.

"Hindi namin alam kung papaano namin sisimulan ulit itayo, walang pera," ani Lobrigo.

Bukod sa mga bahay, nadale rin ng bagyo ang mga paaralan at ilang negosyo.

Hindi pa rin naibabalik sa normal ang serbisyo ng kuryente at komunikasyon sa bayan.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naapektuhan din ng Ompong ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa Ilocos Norte.

Ang mangingisdang si Jasper Gonzales, sinabing maghahanap muna ng ibang pagkakakitaan.

"Kung may magpapagawa ng bahay, tutulong kami para may kita naman," ani Gonzales.

Nananatili ring lubog sa baha ang ilang lugar sa Ilocos Norte.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa bayan ng Itogon, Benguet, at Kayapa, Nueva Vizcaya, nagdulot ng mga landslide o pagguho ng lupa ang mga pag-ulang dala ng Ompong.

Sa Itogon, naiulat ang apat na insidente ng pagguho, kung saan hindi bababa sa 30 ang naitalang patay habang 29 pa ang pinaghahanap.

Sa Kayapa, napatay ang apat na miyembro ng pamilya nang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay. --Ulat nina Jeff Canoy, Kevin Manalo, Harris Julio, at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.