Mga minero sa Benguet, natabunan ng lupa

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 06:59 PM | Updated as of Sep 16 2018 10:11 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Umabot sa 43 ang mga bangkay ng mga minero na nahukay mula sa landslide sa Itogon, Benguet Linggo ng gabi, ayon kay presidential spokesperson Harry Roque na dumayo sa Baguio bilang bahagi ng pag-inspeksiyon sa naging pinsala ng bagyong Ompong sa hilagang Luzon. 

May isang minero na nakuhang buhay, samantalang may 30 pang nawawala, ani Roque. Itutuloy ang paghahanap hanggang makita ang lahat ng mga minero, aniya sa radyo DZMM. 

Bandang alas-6 ng gabi, may 33 nang natagpuang bangkay sa Barangay Ucab sa Itogon, ayon kay Benguet Gov. Crescencio Pacalso. Patuloy, aniya, ang paghahanap sa mga ibang natabunan ng lupa matapos gumuho ang tinutuluyan nilang mga bunkhouse sa Ucab at sa kalapit-barangay nitong Loakan, ayon kay Pacalso. 

"Small scale miners sila. Pero ang gumuho doon sa itaas, hindi naman doon sa mismong pinagtatrabahuhan nila. Siyempre mataas 'yung bundok, na-saturate na siya nu'ng monsoon rains... Tuloy-tuloy ang malakas na ulan tapos may hampas pa ng hangin, pati kahoy ay medyo nadadala sa malakas na hangin kaya pati lupa na rin, sumunod na rin," ani Pacalso sa panayam bago ang anunsiyo ni Roque. 

Linggo ng hapon ay nakatakda nang huminto ang mga rescuer dahil sa patuloy na paglambot ng lupa sa Barangay Ucab, ayon kay Senior Supt. Lyndon Mencio, provincial director ng Benguet provincial police office. 

"Sa tingin po namin, nasa ibabaw kami ng building na natabunan, mukhang wala na po," ani Mencio nang makapanayam sa radyo DZMM, at tanungin kung ano ang lagay ng mga natabunan. 

Sa tingin niya ay hindi na sila makakapagpatuloy sa search and rescue operations kahit pa may mga iba nang minero at rescuer na tumutulong sa kanila. 

"Ipapa-pull out ko na rin po ng mga 5:30 (ng hapon). Nag-umpisa nang umambon, baka madamay itong mga naghuhukay," ani Mencio. 

Hindi matantiya ni Chief Supt. Rolando Nana, regional director ng Cordillera police, ang lalim ng hukay na ginawa ng gumuhong lupa. 

"Ang gumuho ay galing sa bundok, pumunta sa bunkhouses... Mahirap ma-estimate," ani Nana sa panayam ng DZMM. 

May mga mining sites daw sa lugar kaya karamihan ng natabunan ay mga minero. 

"May mga tirahan na sila rito, may mga bunkhouse, may mga make shift na tinitirahan. Mayroon ding church doon na pinagsilungan nila, 'yun 'yung dinaanan ng landslide," sabi ni Nana. 

Nasa matarik na bahagi ang lugar kaya't delikado na rin ito maging sa mga rescuer, aniya. 

Dahil sa pagmimina 

Ayon kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, ang natabunang estruktura ay bunkhouse ng Benguet Corporation na ginagamit ng mga minero.

"May isang bunkhouse ng isang kompanya na may tinatayang 40-50 people trapped. Pero natabunan na ng lupa, 'yun ang inaalala namin baka patay lahat ng mga 'yun," sabi sa radyo DZMM ni Palangdan. 

"We know for a fact that this area is dangerous because there is a big tunnel mined by Benguet Corporation a hundred years ago," ani Palangdan.

Sinisi ni Palangdan sa pagmimina ang mga pagguho ng lupa sa kanilang bayan. 

Pero nilinaw naman ni Engineer Faye Apil, regional director ng Mines and Geosciences Bureau sa Cordillera Administrative Region na huminto na sa pagmimina ang Benguet Corporation noon pang 1997. Pagkatapos daw nito ay saka nagsimula ang small-scale miners. 

"Masasabi nating 'takas' dahil unang-una binibigyan namin sila ng stoppage order... para makakuha muna sila ng permit or ma-declare ang areas nila as minahang bayan. And the company had also been giving them notices, eviction notices to leave the area kasi nga it's within the property of the company pero hindi pa rin sila umaalis," ani Apil sa panayam sa radyo DZMM.

Ginto ang hinahanap ng mga minero na karamihan ay mga dayo mula sa kalapit-lugar na Mountain Province at Kalinga. 

Sa tuwing darating daw ang bagyo ay binabalaan ang mga minero. 

"Every time na may darating na typhoon, wina-warning-an namin sila. Bukod sa hindi sila papasok sa mga alleys nila para magmina, umalis din sila sa mga kampo nila dahil delikado rin ang kinalalagyan nila, mga landslide-prone ang mga areas kung saan nila itinayo 'yung mga shanties nila," aniya. 

Ilang beses umanong sinabihan ng mga taga-barangay ang mga minero na lumikas na bago pa man dumating ang Ompong, na siyang pinakamalakas na bagyo sa Pilipinas sa taong ito. 

May mga sumunod daw pero mayron ding hindi dahil sa katwiran na may sarili silang mga rescue responders. ​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.