Mga lumikas sa Maynila, Marikina, nagsimula nang umuwi

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 08:17 AM

Sa paglayo ng bagyong Ompong sa bansa, nagsimula na ring umuwi sa kanilang mga tahanan ang mga lumikas na residente sa Maynila at Marikina.

Alas-9 ng gabi noong Sabado nang makalabas sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo, na sa ngayon ay itinuturing bilang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa nitong taon.

Sa paghina ng ulan sa Metro Manila noong Sabado, agad ding umuwi ang mga lumikas sa Delpan Evacuation Center sa Maynila.

Mula sa higit 400 pamilya na lumikas, 7 pamilya na lang ang naiwan sa evacuation center noong gabi ng Sabado.

Dahil kalmado na rin ang alon sa Manila Bay, itinayo na ulit ng mga street settler ang kanilang mga makeshift tent sa Baywalk.

Sa Baywalk din nagpalipas ng gabi ang ilang fishing enthusiast o iyong mga naglilibang sa pamamagitan ng pangingisda.

Marami raw kasing isda tuwing katatapos lang ng bagyo.

"Maganda naman ang panahon eh. Walang alon, walang hangin," ani Nilo Caporte.

Sa Marikina, tuluyan nang tinanggal nitong umaga ng Linggo ang alarma sa Marikina River.

Pero madaling araw pa lang ng Linggo, umuwi na ang ilang lumikas na residente matapos ibaba sa unang alarma ang Marikina River.

Bagaman walang pagbaha sa Marikina dahil sa Ompong, umabot sa halos 22,000 residente ang lumikas.

"Nagsilikas hindi lang dahil sa pag-aalala nila dahil sa baha ngunit nagsilikas sila dahil sa pag-aalala na mapipinsala ang kanilang tahanan at maaaring manganib ang kanilang mga buhay," sabi ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro.

Inaasahang bubuti na ang lagay ng panahon sa Lunes, ayon sa PAGASA.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.