Lalaki, patay nang mabundol ng truck sa General Santos City

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 07:48 AM

GENERAL SANTOS CITY - Napatay ang isang lalaki noong umaga ng Sabado matapos masagasaan ng self-loader truck na may kargang backhoe sa national highway na sakop ng Barangay Apopong sa lungsod na ito.

Kinilala ang nasawi bilang si Oscar Baranggan, isang 55 anyos na construction worker.

Kuwento ng driver ng truck na si John Rey Onoc, iniwasan niya ang isang sasakyan kaya pumagilid sa kalsada at nabundol si Baranggan na nakasakay noon sa bisikleta nito.

Nawalan din umano ng preno ang truck.

Nalaglag ang truck sa canal at nahulog naman ang karga nitong backhoe.

Ayon sa traffic management unit ng General Santos police, posibleng nasa blind spot si Baranggan kaya hindi siya nakita ng driver.

Agad namang sumuko sa pulisya ang driver, na humingi ng paumanhin sa pamilya ni Baranggan.

Nakahanda raw tumulong ang kompanyang pinagtatrabahuhan ng driver sa mga gastusin ng pamilya ng nasawi.

-- Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.