Kalsadang apektado ng pagguho ng lupa sa Nueva Vizcaya, hindi pa rin madaanan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 05:01 PM

Patuloy ang isinasagawang clearing operation sa kalsada sa bayan ng Kayapa, Nueva Vizcaya matapos ang nangyaring pagguho ng lupa sa lugar.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, aabot sa 15 barangay ang hindi mapasok dahil sa pangguho ng lupa.

Sabado ng hapon nang mangyari ang pagguho ng lupa. Apat ang kumpirmadong patay sa insidente.

Kinilala ang mga biktima na sina Gilbert Allaga, 36-anyos; misis niyang si Rosalyn Allaga, 29-anyos; anak nila na si Regan Allaga, 5-anyos; at Rinalyn Allaga na walong buwang gulang. 

Sa imbestigasyon ng pulis, sinabihan na umano ng mga opisyal ng barangay ang mag-anak para lisanin ang kanilang bahay dahil sa peligro ng landslide. 

Pero ang tatlo lang na anak nila ang pinapunta sa evacuation center.

Bandang alas kwatro ng hapon, gumuho ang bahagi ng bundok na tumabon sa bahay ng pamilya Allaga. Pawang wala nang buhay ang mga biktima nang mahukay ng mga rescuer.

Nanawagan naman ng tulong ang mga kaanak lalo't may tatlong naulilang anak ang mag-asawa.

"Hindi naman nagkulang sa preparation. Actually nagpre-emptive evacuation kami dito. Biglaan lang din talaga 'yung ulan, kasi nung umaga hangin lang, tapos biglang hapon andiyan na yung tubig," ani Robert Corpuz na Provincial Disaster Risk Reduction and Management officer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.