Ilang probinsya, may storm signal pa rin, ayon sa PAGASA

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 05:39 AM

Kahit nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility si bagyong Ompong, nakataas pa rin sa storm signal ang ilang probinsya.

Signal number one pa rin sa Batanes, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at La Union. 

Asahan din ang matataas na alon sa karagatan ng mga nasabing mga probinsya.

Patungong China na si Ompong na may international name na Mangkhut. Pero asahan pa rin ang pagulan sa Pilipinas dahil sa habagat na pinalakas ng bagyo.

Posibleng may mahina hanggang sa malakas na pagulan sa Batangas, Bataan, Zambales, Pangasinan, sa MIMAROPA region kabilang ang Mindoro at Palawan, at maging sa Western Visayas kabilang sa Iloilo at Negros Occidental.

Pinapayuhan ang mga residente na maging maingat lalu't posible pa rin ang pagbaha at landslide. 

Sa may maliliit na bangka, 'wag muna pumalaot dahil sa sama ng kondisyon sa karagatan sa Luzon at Visayas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.