PatrolPH

Duterte, gusto ng evacuation centers sa mga madalas tamaan ng bagyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 04:13 PM

MAYNILA -- Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Linggo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na pag-aralan ang pagbuo ng mga evacuation center sa mga lugar na madalas tamaan ng mga bagyo. 

Ayon kay Duterte, nakaaapekto sa operasyon ng mga paaralan ang paggamit sa mga gusali ng mga ito bilang mga evacuation center tuwing may tumatamang bagyo. 

"'Pag ganito tayo nang ganito in places na prone sa baha, ang mga bata napuputol ang edukasyon. Maybe if we can have a design from DPWH na maganda, parang gym," sabi ni Duterte sa isang command conference sa ilang miyembro ng kaniyang gabinete sa Tuguegarao City, Cagayan.

Idinaos ang command conference matapos manalasa sa Cagayan ang bagyong Ompong, na itinuturing bilang pinakalamakas na bagyong dumaan sa bansa nitong taon. 

Karamihan sa mga lugar na madalas daanan ng mga bagyo, ayon kay Duterte, ay nasa silangang bahagi ng bansa, at nakaharap sa Karagatang Pasipiko, gaya ng mga lalawigan ng Samar at Leyte.

Sa huling tala nitong tanghali ng Linggo, nasa 25 katao ang naiulat na nasawi bunsod ng pananalasa ni Ompong. Karamihan sa mga kamatayan ay sa Cordillera region at dulot ng mga landslide o pagguho ng lupa.

Inihayag din ni Duterte ang kaniyang pakikiisa sa pagluluksa ng mga namatayan sa Ompong.

"I share the grief of those who have lost their loved ones," aniya.

Sa command conference, hinimok din ang mga pamahalaang lokal ng mga lugar na naapektuhan ng Ompong na magdeklara ng state of calamity upang mapabilis ang paglabas ng pondo para sa rehabilitasyon at mapako ang presyo ng mga bilihin.

Bago ang command conference, ininspeksiyon ni Duterte ang Cagayan lulan ng eroplano kasama si Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go.

Itinalaga ni Duterte ang ilang kalihim ng kaniyang gabinete sa hilagang bahagi ng Luzon bago pa man dumaan doon ang Ompong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.