6 huli sa Bacoor drug ops; P2-M halaga ng shabu, nasamsam

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 06:24 PM | Updated as of Sep 16 2018 07:27 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naaresto ng pulisya ang anim katao sa lungsod ng Bacoor, Cavite dahil sa pagkakadawit sa ilegal na droga.

Sinalakay noong Biyernes ng Bacoor police ang isang bahay sa Barang Molina III at hinuli ang may-ari nitong si Luzviminda Barrameda, ang kaniyang 19 anyos na anak, at isa pang babae.

Nakuha naman ng pulisya sa basurahan ang bulto-bultong shabu na nagkakahalagang P2 milyon, at isang weighing scale.

Ayon kay Bacoor police chief Supt. Vicente Cabatingan, kasama sa drugs watch-list ng pulisya ang mag-ina, na mga tulak umano ng droga.

Tagahatid naman ng droga ang nahuling babae, ayon sa pulisya.

Nakuhanan pa ng video ng isang informer ng Bacoor police ang dalawang lalaking nagre-repack ng shabu sa may bahay ni Barrameda, na naging dahilan para ikasa ang operasyon.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang asawa ni Luzviminda na si Oliver Barrameda, na umano ay kasama rin sa mga transaksiyon.

May tatlo pang lalaki ang inaresto ng Bacoor police dahil din sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.​ -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.