PAO, kinompirmang si Michael Remecio ang natagpuang bangkay sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2017 04:53 PM | Updated as of Sep 16 2017 08:03 PM

Kinompirma ng Public Attorney's Office (PAO) sa pamamagitan ng forensic examination na ang natagpuang bangkay sa isang sapa sa San Jose Del Monte, Bulacan ay ang binatilyong si Michael Angelo Remecio.

Isinagawa ang autopsy sa natagpuang bangkay nitong Biyernes ng gabi.

Base sa pagsusuri ng PAO, maaaring nasa 16 hanggang 18 taong gulang na ang bangkay, may bali sa kaliwang braso at wala nang appendix. 

Pagpapatibay ng ina ni Michael na si Genevie Remecio, naaksidente umano sa kaliwang braso ang kanyang anak noong Grade 6 at naoperahan din dahil sa appendicitis. 

Samantala, ayon sa inilabas na autopsy report ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory sa bangkay, hindi pa nila makompirma ang pagkakakilanlan nito.

Nahirapan din ang PNP Crime Lab sa pag-o-autopsy sa bangkay dahil bukod sa naaagnas na ito ay hindi rin matukoy ang pinsalang kanyang tinamo.

Samantala, ayon sa PNP, wala pang resulta ang DNA examination kaya hindi rin matiyak ng ahensiya kung ang bangkay na natagpuan ay ang binatilyong si Michael.

Dagdag ng mga pulis, hindi ito kaso ng "extrajudicial killing."

Sa kuha naman ng CCTV footage sa Barangay Bagong Silang, Caloocan City noong madaling araw ng Agosto 27, mayroong nakitang lalaking naka-itim na t-shirt at nakaangkas sa likod ng isang tricycle.

Ang lalaking nakita ay pinaniniwalaang si Michael, ayon sa kanyang mga kaibigan.

Tinitingnan ding anggulo ng mga pulis ang diumano'y sigalot sa relasyon at ang koneksiyon sa ilegal na droga bilang motibo ng pagpatay sa 16-anyos na si Michael.

Hihilingin ng PAO sa Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng parallel investigation kaugnay sa kaso.

Sa Setyembre 17, Linggo, nakatakdang ilibing ang binatilyo.
    
-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.