NCRPO: 2 opisyal matitira sa Caloocan City Police

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2017 02:59 PM

Dalawa lamang ang matitirang opisyal sa Caloocan City Police matapos ang pagtanggal sa lahat ng pulisya sa istasyon, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde.

Sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga, sinabi ni Albayalde na minabuti niyang tanggalin sa puwesto lahat ng mga pulis sa Caloocan upang magbigay-daan sa isasagawang malawakang imbestigasyon.

"Bakit ganito, at saka baka mayroong iba pong involvement 'yung mga pulis natin kaya kailangan nating tingnan ng malaliman," sabi ni Albayalde.

Sa halos 1,000 pulis-Caloocan, 297 na ang natatanggal ng NCRPO na mga dating nakatalaga sa Police Community Precinct 2, 4 at 7.

"By next week, makakakuha tayo ng papalit sa kanila. Papalitan na po lahat nung nandiyan basta dalawa lang po ang matitira," pahayag niya.

Ang bagong talagang hepe ng Caloocan City Police na si Senior Supt. Jemar Mondequillo at ang deputy nito na si Chief Inspector Ilustre Mendoza ang binabanggit ni Albayalde na dalawang matitira sa headquarters.

"Lahat sila dadaan sa retraining, reorganization. I think this should serve as an example, hindi lang naman ang PNP ikaw lang. Ang PNP ay isang organisasyon. Hindi po isang tao lang ito. 'Pag nasa loob ka ng organization, you work as a team. 'Yun po ang gusto nating ipamukha dito," ani Albayalde. 

Nahaharap sa sunod-sunod na dagok ang Caloocan City police matapos ang pagkamatay ng tatlong kabataan sa magkahiwalay na operasyon. 

Umani ng batikos ang mga pulis-Caloocan matapos madawit sa pagpatay kina Kian Loyd Delos Santos, 17, Carl Angelo Arnaiz, 19, at Reynaldo de Guzman, 14, noong Agosto.

Si Delos Santos ay napatay sa isang drug raid noong Agosto 16. Nanlaban siya ayon sa pulis, ngunit pinasinungalingan ito ng mga testigo, CCTV footage, at forensic analysis.

May testigo namang nagsabing nakitang kasama ng mga pulis sina Arnaiz at De Guzman sa isang taxi noong Agosto 18. Si Arnaiz, na umano'y nangholdap sa taxi driver na si Tomas Bagcal, ay napatay matapos umano manlaban sa mga rumespondeng pulis.

Isang katawan naman na natagpuan sa Gapan, Nueva Ecija na tadtad ng saksak at balot ng tape ang ulo ay nauna nang kinilala ng mga magulang ni De Guzman bilang ang kanilang anak. 

Dawit din ang ilang kawani ng Caloocan Police sa panloloob sa isang bahay noong Setyembre 7, kung saan P30,000 halaga ng pera at ari-arian ang natangay. 

Huli sa video ang insidente, kung saan kita ang isang asset na naka-bulletproof vest at may baril. Isang bata din ang nakitang kasama nila na siyang nagbulsa sa mga kagamitan.

"Identified po 'yung asset ni Senior Insp. [Warren] Peralta at lumalabas na 'yung bata ay kasama po nung asset. Kilala din naman po. 'Yun ang sabi ng ating mga pulis nung kinausap natin," sabi ni Albayalde.
 
Tingin din ni Albayalde, kilalang-kilala sa lugar ang naturang asset na may kapansanan.

"Identifiable naman po talaga dahil PWD (person with disability). Hindi po identified 'yung bata pero sabi po nila, kilala ni Senior Insp. Peralta dahil kasama nga daw po ng asset 'yun. Most probably, palagi po silang kasama pag nago-operate," sabi niya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.