Mga bagong pulis, dadaan sa mas matinding pagsasanay

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2017 04:23 PM

Mas matinding pagsasanay ang pagdaraanan ng mga bagong miyembro ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng kanilang isang taong pagsasanay bago maging ganap na pulis. 

Nagsimula na nitong Sabado ang pagsasanay ng mga bagong recruit ng PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng PNP-Special Action Force (SAF).

Ito ang unang pangkat ng mga recruit na dadaan sa kamay ng PNP-SAF, na mangangasiwa sa unang dalawang buwan ng pagsasanay.

Ipinahayag naman ng Philippine Public Safety College (PPSC), na siyang humahawak sa unang anim na buwang pagsasanay ng mga recruit, na bukas sila sa pagbabago upang malutas ang anumang problema sa pagsasanay.

Ayon kay Ricardo de Leon, pangulo ng PPSC, maraming maaaring baguhin sa kultura ng PNP.

Ang PPSC ang siya ring nagangasiwa sa Philippine National Police Academy.

Wakasan ang ugaling 'scalawag'

Sa kaniyang pahayag, pinaalalahanan ni NCRPO Director Oscar Albayalde ang mga pulis na wakasan ang ugaling "scalawag."

Aniya, nakasisira ang ganitong kaugalian sa imahe ng PNP.

Nauna nang binalasa ni Albayalde noong Biyernes ang buong kapulisan sa Caloocan City dahil sa sunod-sunod na insidenteng kinasangkutan ng mga ito.

Kabilang dito ang pagkamatay ng dalawang menor de edad sa mga anti-drug operation at pagnanakaw.

Sasabak muli sa pagsasanay at ililipat sa ibang sangay ng PNP ang mga mahigit 1,000 pulis-Caloocan.

Sumang-ayon din ang NCRPO na ibalik sa PNP ang pagsasanay ng mga pulis, na unang iminungkahi ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.