Ilang mga preso sa Baguio, abala sa bagong bukas na salon

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2017 12:40 AM | Updated as of Sep 16 2017 02:40 AM

Pinagkakakitaan ng mga preso sa Baguio city jail ang bagong bukas na salon at spa na matatagpuan sa loob ng female dorm ng kulungan.

Ito ang bagong pinagkakaabalahan ng mga inmate na nagustuhan naman ng kanilang mga customer.

Kahit na ilang araw pa lang na nagbubukas ang salon, marami na ang dumadayo rito dahil mura at maganda rin umano ang kanilang mga serbisyo.

Gaya ng karaniwang salon at spa, kabilang sa kanilang serbisyo ay ang mga sumusunod:

Hair rebond: P400-P600
Hair dye: P150-P250
Hot oil: P150-P250
Cellophane: P200-P300
Facial: P200
Body scrub: P250
Body massage: P250
Foot spa: P200
Hand spa: P100
Blow dry: P30
Hair press: P50
Hair trim: P80
Eyebrow threading: P30
Manicure: P50
Pedicure: P50

Si Elisa Chan, sinubukan ang serbisyo ng mga preso sa bagong salon at sinabing mura lang ang naging bayad niya, kumpara raw sa iba na mahal ang singil.

Dagdag niya, mahusay ang serbisyong ibinibigay ng mga preso at alagang-alaga nila siya.

Tiniyak din ng mga inmate na may sapat silang kaalaman sa mga trabaho sa salon at spa habang malaking bahagi ng kita ng negosyo ay napupunta sa mga nagtatrabahong inmate.

Ang iba naman ay nag-aambag para sa pangkalahatang gastusin ng female dorm.

Ang ibang mga inmate na hindi nagtatrabaho sa spa, abala naman sa paggagantsilyo, pananahi at paggawa ng iba pang handicrafts.

-- Ulat ni Mae Cornes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.