4 arestado sa drug bust sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2017 10:56 AM

MANILA - Apat na katao, kabilang ang isang menor de edad, ang arestado sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City.

Bandang ala-1 ng madaling araw ng Sabado, isang informant ng Batasan Police ang nagpanggap na buyer ng halagang P500 na shabu mula kay Cristina Mendoza sa Sto. Niño Street, Barangay Payatas.

Kasama ni Mendoza noon ang umano’y buyer na si Mark Isagani Soliman at ang 6-taong gulang na batang umano’y runner.

Dinala ang tatlo sa Batasan Police Station.

Narekober mula sa operasyon ang tatlong sachet ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P10,000.
 
Timbog naman sa isa pang buy-bust operation sa Kalayaan Street, Barangay Batasan Hills ang 30-taong gulang na si Mark Soriano.

Nakuha mula sa kanya ang tatlong sachet ng shabu at isang 38-caliber revolver.

Ayon sa impormasyon ng pulis, dati nang nakulong si Soriano dahil sa snatching.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang tatlong suspect na nasa hustong edad. 

Ang menor de edad naman ay ire-refer sa Department of Social Welfare and Development. Posibleng ang kanyang mga magulang ang sampahan ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.