2 babaeng sakay ng tricycle, pinagbabaril; 1 patay

Annie Fe Perez, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2017 05:39 PM

Isa sa dalawang babaeng sakay ng tricycle ang namatay matapos silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin Sabado ng umaga sa Dumaguete City.

Patuloy pang inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima kung saan ang isa ay naitakbo pa sa pagamutan.

Naganap ang insidente alas-11 ng umaga sa kahabaan ng Meciano Road.

Narekober mula sa lugar ang limang basyo ng kalibre .45 na baril.

Hinahanap din ng awtoridad ang driver ng tricycle na umano’y nakatakbo nang marinig ang putukan.

Kasabay nito, iniimbestigahan din ng pulisya ang alegasyon na galing umano sa pagbisita ang dalawang biktima sa 12 kataong nahuli dahil sa credit card fraud.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.