Avenida sa Maynila, itinalagang 'no parking zone

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2016 04:19 PM | Updated as of Sep 16 2016 04:44 PM

MANILA – Itinalaga na bilang isang "no parking zone" ang kahabaan ng Rizal Avenue, na kilala rin bilang Avenida, sa Maynila. 

Ito ay matapos matuklasan sa sunud-sunod na clearing operations ng lokal na pamahalaan ang talamak na pagparada ng mga sasakyan sa mahigit anim na kilometrong kahabaan ng Rizal Avenue, na nagiging sanhi umano ng pagsikip ng daanan at paglala ng daloy ng trapiko.

Aaraw-arawin umano ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang operasyon upang matanggal ang mga sasakyan sa Rizal Avenue. 

Matapos ang pagtutok sa Rizal Avenue ay isusunod naman daw nila ang pagtutok sa iba pang kinikilalang "choke point" sa Maynila tulad ng Quezon Boulevard, Taft Avenue, Recto Avenue, Governor Forbes hanggang Lacson, maging ang Sta. Mesa papuntang Legarda.

Nitong Biyernes ay malinis na umano ang ilang bahagi ng Rizal Avenue, ngunit may ilang lugar pa sa kahabaan nito na hindi maiwasan ang pagsikip dahil sa iba't ibang sasakyan, kasama ang mga tricycle, na pumaparada dito.

Aminado ang MTPB na may mga miyembro ng kanilang opisina na nananamantala sa mga motorista, at nagbebenta ng parking ticket para sa pribilehiyo ng pag-iwan ng kanilang sasakyan sa kahabaan ng kalsada, na itinuturing na isa sa mga pinakamahalagang lagusan papasok at palabas ng Maynila.

"Maraming kalokohan…maraming enterprising na tao diyan. Mag-ingat po tayo, may tao talaga na nagte-take advantage sa sitwasyon…aarestuhin talaga namin sila,” ani Dennis Alcoreza, officer-in-charge ng MTPB.