4 estudyante ng Adamson nahulihan ng hinihinalang pampasabog

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2016 03:15 PM

MANILA – Arestado ang apat na estudyante ng Adamson University sa Maynila matapos umanong maaktuhang may dalang paper bag na naglalaman umano ng pillbox, o pampasabog.

Nakita umano ng guwardiya ang dalawang estudyante na nag-aabutan ng paper bag sa may gate ng paaralan, ayon kay Police Officer 2 Mark Manuel Co ng Lawton police.

Nang tingnan ng guwardiya ang dala ng mga ito ay nakita ang pinaghihinalaang pillbox.

Dumating ang Manila Police District Explosive and Ordnance Division at ininspeksyon ang paper bag.

Agad ring inaresto ang dalawang estudyante, kasama ang dalawa pa nilang kasama, na pawang may edad na 17 at 18.

Ilalagay naman ng security team ng unibersidad ang mga estudyante sa kustodiya ng Manila Police.