Drag artist na si Pura Luka Vega. Larawan mula sa Facebook/Amadeus Pagente
Drag artist na si Pura Luka Vega. Larawan mula sa Facebook/Amadeus Pagente
Drag artist na si Pura Luka Vega. Larawan mula sa Facebook/Amadeus Pagente
Drag artist na si Pura Luka Vega. Larawan mula sa Facebook/Amadeus Pagente
MAYNILA — Nilinaw ng drag performer na si Pura Luka Vega na wala pa siyang nakukuhang abiso tungkol sa kasong isinampa sa kaniya sa Manila Prosecutors Office kaugnay ng kaniyang "Ama Namin" performance.
Sa pangalawang pagkakataon, hindi nakarating ang drag artist sa hearing ng preliminary investigation para sa mga kasong indecent show at umano'y paglabag sa cybercrime law na inihain ng mga opisyal ng Hijos del Nazareno mula sa simbahan ng Quiapo.
Pero giit ni Pura Luka Vega, "I am still not in receipt of any notice regarding an alleged criminal case filed in Manila against me."
Sa nakaraang dalawang linggo, dumalo aniya siya ng preliminary investigations sa Quezon City para sa 3 iba pang criminal complaints.
"I attended again today, in drag, as I have done all the other times I have appeared before the prosecutors. I have conferred with my volunteer lawyers as to the steps I need to take to also face the alleged charges in Manila," sabi niya sa X, dating Twitter.
Pinasalamatan din niya ang kaniyang pamilya at mga tagasuporta.
Aniya, "You are the source of my strength and my hope."
"We will continue to fight for the freedom of expression, for understanding, and for true inclusion while looking forward to having a dialogue with the complainants," dagdag niya.
Sinabi naman ng presidente ng Hijos del Nazareno na si Val Samia na ikinalulungkot nila na hindi nakaharap ang kontrobersyal na drag performer sa hearing ngayong Biyernes.
“Medyo nakakasama nga po ng loob dahil parang binabalewala niya yung reklamo namin laban sa kanya. Nasa kanya na po iyon, kung ano man ang maging resolution ng piskal, hintayin na lang po natin,” aniya.
Sa kabila nito, bukas pa rin umano ang Hijos del Nazareno na iatras ang kaso, humingi lang ng tawad ni Pura Luka Vega sa mismong simbahan ng Quiapo.
“Wala naman pong problema basta tanggapin lang po niya yung pagkakamali niya, mga taong simbahan po kami, marunong pong magpakumbaba at magbigay ng kapatawaran,” aniya.
“Kung ano man ang kahinatnan ng reklamo namin, sana harapin niya na lang po at kung gusto niyang humingi ng kapatawaran, nandoon lang po kami sa simbahan ng Quiapo, puntahan niya lang po kami,” dagdag ni Samia.
Dahil sa hindi muling pagdalo ni Pura Luka Vega sa preliminary investigation, maaari na umanong magpalabas ng resolusyon ang piskalya.
Sa isang naunang post sa social media, sinabi ni Pura Luka Vega na wala siyang intensyon na i-snub ang mga pagdinig sa kinahaharap na reklamo.
“I have no intention of 'snubbing' these complaints,” aniya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.