Video mula kay Mildred Llagas
Labis ang pasasalamat sa grupo ng driver ang isang babaeng nawalan ng wallet sa Iligan City matapos mag-ambagan ang mga ito para sa kanya.
Napansin ng mga driver ang bababeng umiiyak sa van terminal sa Iligan City noong Miyerkoles.
Ayon kay Mildred Llagas, pasakay na sana siya ng van patungong Marawi City nang mapansin niyang wala na ang kanyang pitaka na may lamang P3,545. Hinala niya, nawala ito sa tindahan kung saan siya kumain.
Napahagulgol siya sa terminal dahil pang-tuition sana niya ito sa review center para sa nursing board exam.
Aniya, nilapitan at pinatahan siya ng mga driver na agad nag-ambagan ng P3,500 para sa kanya. Pinakain pa siya at nilibre ang pamasahe papunta sa Mindanao State University.
Hindi niya kilala ang mga driver ng terminal, pero mga Maranao umano sila.
"Maraming salamat sa inyo, mga Bapa. Allah will bless you all. Guys, huwag ninyo i-judge ang mga Maranao by just hearing na hindi maganda ang kanilang ugali," ani Llagas.
"Sa kumuha ng wallet ko, baka para talaga sayo 'yon. Masakit lang isipin na naghirap ang nanay ko sa paghanap ng pera na 'yan para pambayad sa review center," dagdag niya.
Pangarap ni Llagas, na may isang anak, na makapasa sa board exam at maging lisensyadong nurse.
— Ulat ni Hernel Tocmo
KAUGNAY NA BALITA
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.