MAYNILA - Nahuli ng mga awtoridad ang isang menor de edad matapos umano itong mangholdap sa Pasong Tamo, Quezon City nitong Huwebes ng umaga.
May mga gasgas sa kamay ang 19-anyos na biktimang si Mel Joy Cristobal matapos na matumba nang holdapin siya pasado alas-5 ng umaga. Papasok sana siya sa eskwelahan.
Nakunan sa CCTV ng Brgy. Pasong Tamo ang insidente. Sa CCTV, makikita ang biktima na naglalakad at may sumusunod na lalaki.
Hindi nakunan ng malinaw sa CCTV ang panghoholdap dahil malayo ang pinangyarihan nito. Makikita na lamang ang pagtakas ng suspek.
Kita rin na hinabol pa ng biktima ang suspek.
“Nabigla po ako ng may sumakal sa akin at sinabi na, 'Holdap 'to bigay mo phone mo,' Tapos lumaban pa po ako, pero malakas po kasi siya eh tapos may hawak po siya na kutsilyo kaya sinabi niya po na papatayin niya ako 'pag hindi binigay tapos ayon po pakakuha niya tumakbo na siya, pero kitang-kita ko po ang mukha niya kasi nababa 'yung bimpo sa mukha niya,” ani Cristobal.
Nasa P16,000 ang halaga ng smartphone na nakuha. Kwento ni Cristobal, agad niya namang ni-lock ito para di mabuksan ng suspek.
“Bago niya po makuha 'yung phone, ni-lock ko po para hindi niya po ma-open tapos since naka-locate naman 'yung phone na yun pina-locate ko po yun sa GF ko,” ani Cristobal.
Sa follow-up operation ng barangay, alas-dos ng hapon natunton ang suspek sa barong-barong nito. Nakuha dito ang cellphone ng biktima.
Nakakulong na sa Quezon City Police Station 14 ang 16-anyos na suspek. May mga record na rin ng pagnanakaw umano ito.
Mahaharap ang suspek sa kasong robbery at anti-fencing law, ayon kay P/Capt. Anthony Daquel, hepe ng investigation and detective management unit ng Station 14.
Pursigido naman ang biktima na sampahan ito ng kaso.
Dahil menor de edad, sa DSWD idi-deretso ang suspek ayon sa PNP.
Nagbabala naman ang PNP sa mga estudyante na huwag gagamit ng mga gadget gaya ng cellphone, lalo na kung walang kasama at walang mga dumaraang tao sa lugar.
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.