PatrolPH

Magsasaka na umawat sa away mag-ina, patay nang hatawin ng crowbar

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2022 01:24 PM | Updated as of Sep 15 2022 03:37 PM

Patay ang isang magsasaka matapos na hatawin ng crowbar ng kaniyang pamangkin sa Santo Niño, Cagayan.

Kinilala ang nasawi na si Herminio Tarampi, 73, residente ng Barangay Masical.

Ayon kay Police Lieutenant Melodie Ballesteros, hepe ng Santo Niño Police, nagwala ang suspek na si Ronald Cabaruan, 45, nang walang madatnan na pagkain sa kanilang bahay gabi ng Martes, Setyembre 13.

“Ayon sa affidavit ng nanay niya, itong suspek nakipag-inuman. Pag-uwi niya, naghahanap ng pagkain at allegedly walang maibigay na pagkain ang nanay niya. So, nagwala siya, nagkaroon sila ng hindi magandang pag-uusap. Nung tatangkain ng suspek na sunggaban ‘yung nanay niya, humingi ng tulong itong nanay,” sabi ni Ballesteros.

Sumaklolo naman sa kaniyang hipag ang kapitbahay lang nila na biktima hanggang siya na ang pagbalingan ng suspek.

Gamit ang bareta, hinampas ng suspek ang batok ng biktima na naging dahilan para siya matumba.

Hinataw din ang sentido at leeg ng biktima na dahilan ng agaran niyang pagkamatay.

“Yung ikinamatay ng victim is may palo siya ng crowbar dito sa batok. Tapos natusok po dito sa may sentido kung saan dumiretso sa may mata niya, dahilan kung bakit lumabas ang isang mata ng victim. Tapos may tusok ng crowbar dito sa leeg,” ani Ballesteros.

Lumalabas din sa imbestigasyon ng pulis na dati nang nakulong ang suspek dahil sa kasong iligal na droga noong 2018, pero nakalaya pansalamantala dahil sa probation.

Inireklamo din siya noon ng illegal detention ng kaniyang ina na kinalaunan ay iniurong din nito.

“Sabi ng nanay niya, laging inuungkat ng suspek ‘yung nangyari way back 2018 na kung saan nagreklamo ‘yung nanay for illegal detention kasi ikinukulong siya ng anak niya. Then itong nanay niya kasi ang nagsuplong sa PNP Santo Niño na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot itong anak niya and then nag-search warrant na kung saan nag-positive na nahuling nag-possess ng shabu itong suspek," ani Ballesteros. 

Under probation sa kasong droga ang suspek, na balik-kulungan ngayon at nahaharap sa reklamong pagpatay. 

-- Ulat ni Harris Julio

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.