PatrolPH

Lola patay sa sunog sa Parañaque City

Anjo Bagaoisan , ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2021 08:53 AM | Updated as of Sep 15 2021 08:59 AM

MAYNILA - Hindi nakalabas ng kanyang bahay ang isang 87-anyos na lolang namatay sa sunog sa Barangay Sto. Niño, Parañaque City Miyerkoles ng madaling-araw.


Tumagal nang halos 3 oras ang sunog sa Kaingin 2, Valenzuela Compound mula nang magsimula ito bandang ala-1 ng madaling araw.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagmula ang apoy sa bahay ng isang Eduardo Matadling, na anak ng namatay na kinilalang si Lolita Matadling.

Bumigay ang dalawang palapag na bahay sa lakas ng apoy.

Sabi ng mga kamag-anak, bed-ridden na ang lola at hindi na rin naisalba ng mga kasama sa bahay.

Ayon kay Eduardo Matadling, naka-duty siya noon sa pagbabantay ng gate ng compound at hindi alam paano nagsimula ang sunog sa kanila.

Apektado ang tinatayang 50 pamilya matapos madamay ang nasa 20 bahay. 

Iniimbestigahan pa ng BFP ang sanhi ng apoy.

Pero, nasa kustodiya ng barangay ang 26-anyos na apo ng namatay na pinaghihinalaang sangkot sa sunog.

Ayon kay Kagawad Ronnie Cabanilla, may mga pagbabanta kasi itong ginawa noon na magsusunog dahil umano sa pagdodroga.

Pero giit ng ina ng lalaki, hindi totoo na gumagamit siya ng droga.

Tinulungan rin ng BFP ang isang lalaking hinimatay sa kasagsagan ng sunog.

Ayon sa barangay, lilipat sa covered court ng Sto. Nino ang mga nasunugan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.