MAYNILA - Likas sa maraming Pinoy ang pagbi-videoke may handaan man o wala.
Pero ngayong may pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at may mga nag-o-online class at nagtatrabaho sa bahay, nanawagan ang isang labor group na pagbawalan ito ng mga lokal na pamahalaan.
Paliwanag ni Associated Labor Unions - Trade Union Congress of the Philippines spokesperson Alan Tanjusay, dagdag-perwisyo ang ingay sa videoke sa mga nag-aaral o nagtatrabaho online.
"Bawas stress din ang matahimik na lugar sa mga manggangawa at mga online students and teachers dahil hirap na nga silang makakuha ng signal… Ay dadagdagan pa ng ingay ng videoke o karaoke kaya malaking tulong po ang ganitong panukala," aniya.
Ngayong nililimitahan ang paggalaw para maiwasan ang hawahan ng COVID-19, may mga nag-o-online class o kaya'y nagtatrabaho mula sa bahay.
Nauna nang sinabi ng provincial government ng Cavite na ang pagbi-videoke nang gabing-gabi ay ituturing na paglabag sa curfew hours.
Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, nakatanggap sila ng maraming reklamo sa umano’y nakakabulahaw na pagkanta na umaabot hanggang madaling-araw.
Kadalasan aniyang napeperwisyo ng malalakas na kantahan ang mga naka-work from home at mga estudyanteng nago-online class.
"Sorry po ngunit kahit sabihin ninyo pang kayo ay nasa loob naman ng inyong tahanan, ang ingay na dulot nito ay maituturing na labag na sa tinakdang curfew hours," ani Remulla.
Natuwa naman ang ilang residente, gaya ni Neddie Espulgar.
"Okay lang naman mga tao nagbi-videoke, nagkakasayahan pero huwag lang sosobra yung to the max, disoras na eh hindi pa natigil,” ani Espulgar.
Ang barangay Biluso sa Silang, Cavite, nagpatupad na ng videoke ban mula Lunes hanggang Biyernes.
Bawal din ang pagpapatugtog nang malakas.
Maaari lang aniya mag-videoke tuwing Sabado at Linggo, mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
— May ulat nina Zhander Cayabyab at Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, videoke, videoke ban, LGU, COVID-19, online class, ALU-TUCP