Travel pass kailangan para makatawid mula Metro Manila pa-Tagaytay: Eleazar

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2020 09:19 AM | Updated as of Sep 15 2020 09:33 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Muling ipinaalala ng Joint Task Force COVID Shield, Martes, na kailangan pa rin ang travel pass sa pagbiyahe mula sa Metro Manila patungong Tagaytay.

“Sa ngayon, wala pa rin pong pagbabago na ang mga probinsiya, pag kayo ay magko-cross ng border unless kayo ay authorized person at nagta-travel kayo nang work-related,” pahayag ni task force chief Lt. Gen. Guillermo Eleazar.

“While it is true 'yung Tagaytay City hindi sila nagche-check kung sino pumapasok doon pero 'yun po ay para sa nasa loob na ng probinsiya just like any other provinces. Kung galing kayo sa labas kailangan ng travel authority,” sabi niya sa panayam sa TeleRadyo.

Sakaling magdeklara ang Tagaytay City na bukas na ito para sa lahat, kailangan pa ring maaprubahan muna ito ng inter-agency task force, dagdag ni Eleazar.

“Yung sinasabi nating staycation, pati na 'yung travel bubbles na pinag-uusapan ay 'yan po dapat accredit o may prior approval ng Department of Tourism, na 'yan naman po ay ibibigay sa atin,” sabi niya.

Paliwanag ni Eleazar, ang travel pass na lamang ang natitirang travel restrictions kahit nasa pinakamababang antas na ng MGCQ o modified general community quarantine.

“Kung tatanggalin natin ‘yan, talagang wala na. Lahat 'yan magta-travel na at 'yung mga receiving LGUs na concerned sila sa mga pumasok sa kanila magkakaroon ng problema lalo na kung manggagaling ng Metro Manila itong pupunta sa mga bayan na ito,” saad niya.

Samantala, sa loob aniya ng 181 araw, umabot na sa 392,000 lockdown violators ang naaresto ng pulisya. Karamihan sa mga ito ay mga lumabag sa ipinapatupad na curfew, physical distancing, motorcycle backriding at disobedience.