MAYNILA - Suportado ng ilang kongresista ang pagbibigay ng dagdag-allowance para sa internet access ng mga guro sa darating na pasukan.
Ayon kay Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado, hiniling din ng mga guro sa kaniyang nasasakupan na mabigyan sila ng P3,000 allowance kada buwan.
Pero ayon kay Education Undersecretary Annalyn Sevilla, may ibinibigay na silang cash allowance na maaaring gamitin ng mga guro pambili ng mga supply.
Ang nasabing allowance ay ibinibigay bilang entitlement at hindi na kailangan pang patunayan ng mga guro kung saan ito napupunta, ani Sevilla.
Pero kung nanaisin ng mga mambabatas na dagdagan ang naturang pondo ay bukas ang DepEd para rito, sabi ni Sevilla.
Ayon kay Sevilla, binibigyan din ng flexibility ang mga paaralan sa paggamit kanilang mga Maintenance and Other Operating Expenses at perang natipid sa pagpapagawa ng self-learning modules.
Naghayag din ng suporta si Marikina Rep. Stella Quimbo sa pagbibigay ng dagdag na allowance para sa mga guro.
Naging maugong ang panawagan para sa internet allowance dahil sa pagpapatupad ng mga paaralan ng distance learning sa darating na pasukan. Ipinagbabawal kasi ang pagdaraos ng mga klase sa mismong paaralan dahil sa banta ng COVID-19.
DepEd may pondo rin para sa health protocols
Sinabi rin ni Sevilla na may na-realign na internal fund ang DepEd na maaaring magamit pambili ng mga supply para sa health and safety protocol.
Nasa P300 milyon ang maaaring magamit ngayong taon ng mga division office at paaralan, ani Sevilla.
Para sa susunod na taon, naglaan din umano ang ahensiya ng P4 billion para sa pagbili ng supplies para sa health protocols.
Kasabay ng pagdinig, nanawagan ang grupong Alliance of Concerned Teachers sa mga kongresista na dagdagan ang inilaang pondo para sa DepEd sa susunod na taon para matiyak ng ahenisya ang kaligtasan ng mga guro, non-teaching personnel, at estudyante.
Nasa P606.5 bilyon ang inilaan ng gobyerno para sa DepEd sa ilalim ng P4.5 trilyon na panukalang pondo nito para sa susunod na taon.
-- May ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, House of Representatives, budget hearing, Department of Education, DepEd budget hearing, DepEd budget, internet allowance, teachers' allowance, education new normal