Pagtatalaga ng data protection officer sa mga establisimyento hinimok

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2020 02:39 PM | Updated as of Sep 16 2020 06:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Unti-unti nang bumabalik ang kumpiyansa ni Joseph Lagasangan sa paglabas ng bahay kahit pa sa gitna ng banta ng COVID-19.

Kung noon ay alangan siyang lumabas, ngayo'y 3 beses na rin siya kada linggo pumupunta sa mga tindahan at kainan.

Hindi naman niya nakikitang aberya ang ngayo'y bagong patakaran sa new normal, tulad ng pagpirma sa mga contact tracing form.

"Kasi 'pag 'di ka pumirma, 'di ka papapasukin ng mga establishment na ito," ani Lagasangan.

Pero napansin ni Lagasangan na kadalasang iba-iba ang impormasyong hinihingi kada establisimyentong pinupuntahan niya.

"'Yong iba pangalan lang at temperature saka phone number," ani Lagasangan.

"Nakakakaba rin na magbigay ng impormasyon mo... huwag naman sana ipamigay ng mga establishment kung kani-kanino 'yong telephone number at address," aniya.

Ayon sa National Privacy Commission, karapatan ng bawat kostumer na hingin o hanapin ang privacy notice sa bawat form na fini-fill out o pinipirmahan.

Doon nakalagay umano kung para saan, para kanino lamang at paano gagamitin ang hinihinging data.

Dapat may data protection officer din ang bawat establisimyento para matiyak na secure o ligtas ang mga data.

"Kailangan siguraduhin natin na maliwanag ang pagpapaliwanag sa mga customer," ani NPC Commissioner Raymond Liboro.

Kung manual na contact tracing form pa ang gamit, kailangan itong sirain o sunugin ng mga establisimyento matapos ang 30 araw.

Kung pinasusulat sa log book ang mga kostumer, mainam din daw na takpan ang mga nasulatan para hindi magamit o mabasa ang data ng kung sino man.

"Hindi po maaaring magamit o ma-repurpose sa ibang dahilan itong mga data, 'yan po ay bawal at maaari po kayong mareklamo diyan ng unauthorized processing of data," ani Liboro.

Tiwala naman ang Malacañang sa kasalukuyang testing sa COVID-19 at sinabing tataas pa ang bilang ng mate-test, kasunod na rin ng pagpasa ng Bayanihan 2 Law, kung saan may inilaan P5 bilyon sa hiring ng contact tracers.

Nais naman ng NPC na rebisahin pa ulit ng mga ahenisya ng gobyerno ang guidelines o ang mga kailangan lamang na impormasyong hihingin sa mga kostumer na mapakikinabangan talaga sa contact tracing.

Maaari namang i-report ang ano mang reklamo o isyu hinggil sa data privacy sa [email protected]

Maliban sa mano-manong pag-fill out ng contact tracing forms, inilunsad din kamakailan ng gobyerno ang StaySafe contact tracing app.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.