RAPU-RAPU, Albay — Isang nurse sa bayan na ito ang nakaranas umano ng diskriminasyon matapos siyang magpositibo sa COVID-19.
Sa social media naglabas ng sama ng loob ang 21-anyos na nurse na si Marlo De Guzman dahil sa naranasan niya mula sa mga kababayan.
Kuwento ni De Guzman, Linggo pa sana siya nadala sa ospital at ang 3 pang kasama na nagpositibo sa COVID-19 pero naantala ito dahil sa anila'y pandidiri at diskriminasyon.
Nag-back out kasi lahat ng boatman ng isla na magbabiyahe sana sa kanila para makatawid ng Legazpi.
Wala daw gustong bumiyahe dahil sa takot na mahawa ng coronavirus.
Nakaranas din umano sila ng pandidiri kahit sa mga residenteng nasa pantalan noong mga oras na iyon.
Lunes ng umaga lang naibiyahe papuntang Legazpi sina De Guzman at tatlong iba pa sa tulong ng lokal na pamahalaan doon.
Magdadalawang taon na ring nurse si De Guzman sa Rapu-Rapu District Hospital.
Panawagan niya, nawa'y tigilan na ang diskrimasyon lalo na sa mga medical frontliners dahil buwis-buhay din ang kanilang ginagawa sa mga pasyenteng nangangailangan ng tulong.
Imbes na diskrimasyon, respeto at panalangin ang hinihingi ni De Guzman lalo na sa kaniya na nagpapakatatag para malabanan ang virus.
— Mula sa ulat ni Karren Canon
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, Albay, frontliner, discrimination, diskriminasyon, COVID-19, coronavirus, health workers discrimination