Most wanted criminal leader ng Calabarzon, timbog sa North Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2020 02:00 AM

Si Mark Anthony "Ricky" Sison na itinuturong lider ng notoryus na "Pogi Sison" criminal group sa Calabarzon. Mula sa Police-Big Brother FB page

Nahuli ang tinuturing "most wanted criminal gang leader" ng Calabarzon sa isang operasyon ng mga awtoridad sa Midsayap, North Cotabato.

Ayon kay Calabarzon Police Regional Director Brig Gen. Vicente Danao Jr., arestado sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong 9 counts ng murder at direct assault si Mark Anthony "Ricky" Sison, na itinuturong lider ng notoryus na "Pogi Sison" criminal group.

Sangkot umano ito sa pagpatay, gun-for-hire, pagbebenta ng ilegal na droga, robbery-holdup at extortion sa Biñan City, Laguna at mga karatig probinsiya sa Calabarzon.

Ayon kay Danao, si Sison at ang kanyang grupo ang nasa likod ng walang awang pagpatay sa isang ginang na ibinalot sa plastik at iniwan sa loob ng sasakyan noong 2015.

Siya rin ang salarin sa pagpaslang sa anim na pulis na lahat ay naka-assign sa Biñan City.

Sa pagkakaaresto sa suspek, marami umanong kaso ng pagpatay at iba pang krimen ang mareresolba sa Calabarzon.--Ulat ni Andrew Bernardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.