Isyu ng korapsyon nais matuldukan sa pag-usad ng kaso sa PhilHealth

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2020 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Ikinatuwa ng mga empleyado ng PhilHealth ang maagap na aksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng isang task force na pinangungunahan ng Department of Justice na kasuhan ang ilang opisyal ng kanilang ahensiya dahil umano sa korapsyon.

“Kung talagang inosente sila, pagkakataon ito. Maganda rin po ang maagap na response ng Pangulo para i-address ito,” ayon kay Bryan Jabay, vice president ng PhilHealth Workers for Hope, Integrity, Transparency, and Empowerment.

Aprubado ni Duterte ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban kay dating PhilHealth president Ricardo Morales at sa mga sumusunod:

  • PhilHealth Senior Vice President for Information Management Sector Jovita Aragona 
  • Acting Senior Manager, Information Technology and Management Department Calixto Gabuya Jr.
  • Senior Vice President for Fund Management Sector Renato Limsiaco Jr.
  • Senior Vice President for Health Finance Policy Sector Israel Francis Pargas
  • Executive Vice President, and Chief Operating Officer Arnel De Jesus
  • Division Chief Bobby Crisostomo

“ito naman ay consistent sa panawagan ng ating unyon - kasi all year round, nagkakaroon ng imbestigasyon - ay tapusin ito,” sabi ni Jabay sa panayam sa TeleRadyo Martes ng umaga.

Ayon sa Task Force PhilHealth, ang mga ebidensiya at resulta ng kanilang imbestigasyon ay sumusuporta sa kanilang konklusyon na lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang mga nasabing opisyal.

“Noon kasi, hindi natuldukan ang mga kontrobersiya ng korapsyon. We hope magkakaroon ng resulta, at magkakaroon ng bagong PhilHealth kumbaga,” sabi niya.

Matagal na aniya nilang ipinapanawagan na matapos na ang mga imbestigasyon para hindi na mabahiran pa ng korapsyon ang PhilHealth. Bukod raw kasi sa mga empleyado at kanilang mga pamilya, apektado rin ng anomalya ang mismong mga miyembro ng ahensiya.

“Ito ang panawagan namin - tapusin ang imbestigasyon at malinis ang PhilHealth, kung meron man talagang corrupt sa loob ng PhilHealth,” saad ni Jabay.