Illegal recruiter na nambibiktima ng mga nurse timbog sa Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2020 06:49 PM | Updated as of Sep 15 2020 09:12 PM

CAPT: Ayon sa mga pulis, higit 30 ang nabiktima ng suspek sa isang ospital pa lang. Kinukumpirma pa nila kung may mga nabiktima ring nurse sa iba pang pagamutan. Retrato mula kay Jerome Lantin, ABS-CBN News

MAYNILA — Arestado noong Linggo sa Muntinlupa ang isang babae na umano'y illegal recruiter na nambibiktima ng mga nurse na nais makapagtrabaho sa ibang bansa.

Matapos tanggapin ang marked money, agad pinosasan ng mga tauhan ng special operations unit ng Southern Police District si Alma Iglesia.

Ikinasa ang entrapment matapos humingi ng tulong ang isa sa mga nurse na nabiktima ni Iglesia. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Modus ng suspek ang pangakuan ang mga nurse na tutulungan silang makapunta sa United Kingdom para roon magtrabaho kapalit ng P4,000 processing fee.

Ang nurse na si alyas "Joy," noong Hulyo pa nagbayad at nagbigay ng requirements. 

"Sobra ang sacrifice natin tapos marami pang gustong manloko. Sana di na ito maulit sa iba," ani Joy.

Ang nurse naman na si alyas "Shane," bukod sa nasayang na P4,000 ay mas nanghihinayang siya sa oras at pagod na nilaan para makumpleto ang mga requirements.

Puro original documents pa umano ang hiningi ng suspek. 

Ayon sa mga pulis, higit 30 ang nabiktima ng suspek sa isang ospital pa lang. Kinukumpirma pa nila kung may mga nabiktima ring nurse sa iba pang pagamutan. 

"Hirap na hirap na nga 'yung ating mga frontliners bibiktimahin pa... Sa atin pong mga nurse diyan, lumapit lang po kayo sa POEA para malaman po ninyo kung lehitimo 'yung taong nangre-recruit sa inyo," ani Police Maj. Gilbert Valera ng SPD. 

Tumanggi namang magpa-interview si Iglesia. 

Sinampahan na siya ng mga reklamong illegal recruitment at large scale estafa.

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.