Bahagi ng Cavitex, isasara ng 3 buwan

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2020 05:55 AM

MAYNILA - Inabisuhan nitong Lunes ang mga motorista na isasara ang isang lane sa southbound ng Cavitex o Coastal Road sa Parañaque. 

Ayon sa Cavitex, simula Martes ay hindi muna pwedeng daanan ang innermost lane sa southbound o papuntang Cavite, at ang apektadong bahagi ay ang malapit sa Parañaque Bridge. 

Ayon sa Light Rail Manila Corporation, kailangang isara ang lane dahil sa gagawing pipe relocation ng Maynilad para hindi ito maging sagabal sa LRT Line 1 extension project. 

Tatagal ang temporary closure hangang Dec. 15. 

Aminado ang LRMC na maraming motorista ang maaapektuhan nitong pagsara ng isang lane lalo na at marami rin ang dumadaan sa naturang kalsada, kaya nagpapaalala sila sa mga motorista na planuhin maigi ang pagbiyahe papuntang Cavite. 

Inaasahan nitong Martes ang pagsara ng lane, pero wala pa naman na ilatag na mga barriers. Wala pa ring mga tauhan ng Maynilad o ng Cavitex sa isasarang lane. 

Ayon kay Cavitex Traffic Department head Carlo Hipol, naghahanda na sila sa pagsasara. 

Isa sa mga paraan para matulungan ang nga motorista ay binuksan na ang bagong entry point sa Cavitex na ang Pacific Drive entry.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.