MAYNILA — Kinasuhan sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes ang isang babae matapos umanong sabuyan ng bleach ang isang nurse at kutyain din ang kapatid nitong health worker.
Ito'y matapos magsumbong sa NBI Anti-Graft Division ang nurse na si alyas "Marlene" bitbit ang kanyang uniporme. Namantsahan daw ito matapos siya umanong sabuyan ng kanyang kapitbahay ng tubig na may bleach.
Kuwento ng ama ng biktima, dati pa raw nakararanas ng diskriminasyon ang anak dahil sa trabaho nito bilang frontliner sa gitna ng pandemya.
"Kasi ang layunin ng anak ko eh tumulong dahil frontliner siya. Siguro naiinggit. Dapat siya na lang siguro ang maging frontliner," sabi ni alyas "Manuel," ama ng biktima.
Pati ang kapatid ni Marlene na isa ring health worker ay kinukutya rin daw ng kapitbahay, na nagdulot ng trauma at takot sa kanila.
"Nagsisigawan pa, pati 'yung mga anak niya sumisigaw sila na kami raw ang naghahasik ng virus," sabi ni Manuel.
AYAW NG MAGKAPITBAHAY?
Pero tinatanggi ng inirereklamong kapitbahay na si alyas "Vanessa" ang mga akusasyon ng pamilya.
"Naglilinis lang kami ng daanan. Sabi nila para kaming baboy hindi naglilinis. Tapos ngayong naglilinis kami nagrereklamo sila. Saan kami lulugar?" aniya.
Inamin ni Vanessa na dati na silang may alitan ng pamilya, at gumaganti lang daw sila. May CCTV rin daw sila pero hindi kita kung saan nangyari umano ang pagsasaboy ng bleach.
"Kung tutuusin nirerespeto pa rin sila ng mga anak ko kahit sinasabihan silang mga patay-gutom at walang pinag-aralan," aniya.
Ayon sa NBI, sineseryoso nila ang mga reklamo ukol sa diskriminasyon.
Kinasuhan si Vanessa ng slander, oral defamation at unjust vexation.
Sa piskal na lang maghaharap ang dalawang kampo, ayon sa NBI.
—Mula sa ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, NBI, diskriminasyon, frontliner, alitan, National Bureau of Investigation,TV PATROL