Sanggol na tinangay sa Santiago City nabawi sa Ilocos Sur

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2019 12:52 PM

Nabawi ng mga awtoridad ngayong Linggo sa bayan ng Tagudin, Ilocos Sur ang isang sanggol na tinangay ng isang babae sa Santiago City noong Biyernes.

Isang concerned citizen ang nakapagbigay ng impormasyon sa pulisya ukol sa kinaroroonan ng suspek matapos ilabas sa balita sa telebisyon ang kuwento ng pagtangay, ayon kay Major Reynaldo Balunsat ng Santiago City police.

Kapitbahay umano ng impormante ang suspek at sa pagtatanong ay nalaman niyang lumuwas ang babae sa Ilocos Sur.

Bunsod nito, nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya at natunton ang suspek at ang tinangay na sanggol sa bahay sa Barangay Baracbac.

Kinuha ng babae ang sanggol sa ospital sa Santiago City noong Biyernes para ipakilalang anak sa pamilya ng kaniyang nobyong seaman, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Nakuhanan ng surveillance camera sa ospital ang pagtangay sa sanggol.

Maayos naman ang lagay ng nabawing sanggol, ayon kay Staff Sgt. Hazel Ignacio ng Santiago police.

Kinailangan muna raw iwan ang bata sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development sa Ilocos Sur para doon kuhanin ng mga magulang.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek.-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.