Dating sumuko sa 'Oplan Tokhang' timbog sa San Juan drug raid

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2019 02:10 PM

Isang lalaking dating sumuko sa "Oplan Tokhang" ang naaresto ngayong Linggo sa San Juan dahil sa umano'y pagbebenta ng ilegal na droga, ayon sa pulisya.

Sa ulat ng San Juan police, kinilala ang suspek bilang si Jason Servania, 30, na nakatira sa Barangay West Crame.

Bitbit ang isang search warrant, sinalakay ng mga awtoridad bandang ala-1 ng madaling araw ang bahay ni Servania o mas kilala bilang alyas "Ivler" matapos ang ilang linggong paniniktik sa kaniya.

Nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na nagbebenta ng ilegal na droga si Servania sa kaniyang bahay.

Kasama rin umano sa drugs watch-list ng San Juan police si Servania.

Nakuha sa suspek ang 12 sachet ng hinihinalang droga at drug paraphernalia.

Noong 2016, sumuko sa Oplan Tokhang si Servania pero hindi niya tinapos ang community-based drug rehabilitation program na "Rehab sa Barangay," ayon sa pulisya.

Nakadetene sa San Juan City Police Custodial Facility ang suspek, na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.