4 patay na baboy natagpuan sa ilog sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2019 02:10 PM | Updated as of Sep 15 2019 06:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Apat na patay na baboy ang nakitang inanod ngayong Linggo sa isang ilog sa Rodriguez, Rizal, na isa sa mga lugar na tinukoy ng Department of Agriculture (DA) na apektado ng African swine fever (ASF).

Nakita ang mga inanod na baboy sa pagbisita ng ABS-CBN News sa Puray River kasama ang isa sa mga kagawad sa Barangay San Isidro sa bayan ng Rodriguez.

"Hindi 'yan dapat ganyan ang ginagawa ng mga namamatayan ng baboy," ayon sa kagawad na si Noel Masigla.

Posible raw makarating ang mga inanod na patay na baboy sa Marikina River, na kadugtong ng Puray River, ani Masigla.

"Itong ilog na ito, sasanga ito at makakarating sa Marikina River. Kung 'yong mga patay na baboy na inanod dito, makarating doon, makokontamina pa 'yong mga nandoon," ani Masigla.

Noong Biyernes, umabot sa 55 ang bilang ng mga patay na baboy na natagpuan sa Marikina River, na pinaghihinalaan ng mga awtoridad na galing Rodriguez at San Mateo, Rizal.

Bukod sa Marikina, ilang patay na baboy rin ang inanod sa isang creek sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City.

(PLS EMBED TVP REPORT OF ISAY REYES)
(TITLE: Mga patay na baboy nahanap sa ilog sa Bulacan)
(CAPTION: Ikinabahala ng mga residente ng Malolos, Bulacan ang paglutang ng pira-pirasong patay na baboy sa ilog.)

Ikinabahala naman ng mga residente ng Malolos, Bulacan ang paglutang ng pira-pirasong patay na baboy sa Bulihan River.

Nabahala ang mga residente lalo at konektado ang tubig ng Bulihan River sa mga palayan.

Biglang lumutang ang mga pira-piraso at nabubulok na mga baboy noong Sabado, ayon sa mga residente.

Ayon kay Cris de Jesus, chairman ng Barangay Bulihan, sigurado siyang hindi galing sa kanilang barangay ang patay na baboy.

Nainspeksiyon na umano ang mga piggery sa Malolos, Bulacan at walang nahawa ng ASF.

Nagbaba na ng utos ang pamahalaang lokal ng Malolos na bantayan ang lahat ng entry at exit points sa bayan para tiyaking hindi makapasok ang mga baboy galing ibang lugar at mga karne na walang tatak ng National Meat Inspection Service.

MGA BABOY NA MAY SAKIT, NAMATAY DAPAT IULAT

Hinimok naman ng Department of Agriculture ngayong Linggo ang mga magbababoy na iulat sa mga lokal na veterenarian ang kanilang mga baboy na may sakit o namatay na na.

Ang mga veterinarian ang makikipag-ugnayan sa Bureau of Animal Industry para matukoy ang sanhi ng pagkamatay o sakit ng mga baboy, ani Dar.

Ayon pa kay Dar, ang pagtatapon ng mga baboy sa maling paraan ay nakakadagdag sa pangamba ng publiko at dapat panagutan ng mga may gawa nito.

Nakiusap din si Dar sa mga lokal na opisyal na huwag pangunahan ang resulta ng imbestigasyon sa mga nahahanap na patay na baboy.

Ibinunyag noong Setyembre 9 ni Dar na nagpositibo sa ASF ang blood samples ng ilang namatay na baboy galing Rizal at Bulacan. Ito ang unang mga kaso ng ASF na naitala sa bansa.

— Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.