Zambales, binayo ng malakas na hangin at ulan

Ron Gagalac, ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2018 07:31 AM

Naramdaman sa Zambales, partikular ang hilagang bahagi nito, ang hangin at ulan na dala ng Bagyong Ompong nitong magdamag.

Alas-9 pa lamang kagabi ay bumubuhos na ang malalakas na ulan sa Zambales, at bandang alas-10 nang magsimulang umihip ang malalakas na hangin.

Ala-1 ng madaling-araw, hindi na huminto ang magkasabay na pagbayo ng hangin at malalakas na ulan.

Ssa bayan ng Sta. Cruz ang may pinakamaraming inilikas. Mahigit kalahati ng populasyon ng bayan ang sumailalim sa premptive evacuation.

Mahigit 2,000 indibidwal, mga bata, at matanda ang nagpalipas ng gabi sa mga eskwelahan, sa mga barangay hall at health center.

Pero may mga pamilyang pinili pa rin ang manatili sa kanilang mga tahanan hanggat hindi nararamdaman ang pagbayo ng Bagyong Ompong.

Isa ang pamilya Valentino sa pinilit pa ng mga otoridad na lumikas na dahil ang tubig sa tabi ng kabilang bahay ay tumataas na. 

Ang bayan ng Sta. Cruz kasi ay coastal area kung saan may banta ng storm surge at nang pag-apaw ng ilog dahil sa malakas na ulan.

Ang iba naman, tila nag-aabang pa na pasukin ng tubig ang kanilang tahanan bago pa lumikas sa mas ligtas na lugar.

Katulong ang mga opisyal ng barangay ay inilikas ang pamilya sa pinakamalapit na evacuation center.

Wala pang natatanggap na report ng mga pinsala dahil kasalukuyan pa lamang nangangalap ng impormasyon ang mga disaster officer sa kani-kanilang mga lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.