Strawberry farm sa Benguet lubog sa bahang dala ni Ompong

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2018 03:44 PM

LA TRINIDAD, Benguet - Nalubog sa baha ang dinarayo ng mga turista na Strawberry Farm dito sa bayan Sabado, ilang oras matapos manalasa ang bagyong Ompong sa hilagang bahagi ng Luzon.

Ang dating malalago at berdeng bukirin ng strawberry ay nagmistulang dagat ng putik, kasabay ng malakas na ulan at hangin na dala ng pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon.

Ayon sa mga residente, kagabi pa nagsimula ang pagtaas ng lebel ng tubig sa lugar dahil sa pag-apaw ng isang creek.

 

Tinatayang lagpas tao na ang baha sa mga taniman bago magtanghali, Sabado.

Bukod sa strawberry, may mga tanim din na lettuce sa lugar.

Hindi pa nakakabawi ang mga magsasaka rito mula nang bahain dahil sa mga nagdaang habagat.

Ang mga tindahan naman ng mais at iba pang pika-pika para sa mga turista sa lugar ay nasira na rin dahil sa bagyo.

"Binabantayan ko lang kaso wala naman nang magagawa,” kwento ng tindero ng mais na si Robert Soriano.

Samantala, hindi na rin madaanan ang mga kalsadang malapit sa Strawberry Farm dahil hanggang baywang na ang baha dito.

Abot na rin sa binti ang baha sa KM3 hanggang KM6 sa National Highway dito sa bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.