SOCO: Mag-ina pinagsasaksak ng kapitbahay dahil sa tablet

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2018 01:27 PM

 

Natagpuang naliligo sa dugo ang 23-anyos na si Jolina Calito at ang 1-taong gulang na anak nitong si alyas "Ayesha" sa loob ng kanilang kuwarto sa Bgy. Ugong, Valenzuela nitong Agosto 11, 2018.

"Ginigising ko po 'yung asawa ko. Hindi na magising. Sumunod po, binuhat ko 'yung anak ko. Nakita ko po, matigas na siya. Nangingitim na po 'yung mga labi niya. Doon na po ako nagsisigaw," kuwento ng kinakasama ni Calito na si Gleemar de Leon.

Base sa post-mortem exam, nagtamo ng 46 saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan si Calito. Nagtamo naman ng tatlong saksak sa tiyan at dibdib ang kaniyang anak.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napansin nilang nawawala ang ilang gamit ng biktima.

Sa paghahanap ng lead sa kaso, nakausap ng mga pulis ang isa sa mga kapitbahay ni Calito. 

Ayon kay alyas "Tina" ay napansin raw niyang kakaiba ang ikinikilos ng kaniyang kapatid.

"Puro dugo po 'yung damit, 'yung shorts. Una ko pong nakita 'yung tablet, maya-maya po 'yung kutsilyo," ani Tina.

Doon na inaresto ng mga pulis ang kapatid ni Tina na si Lofferian Dupilas, 21. Paglalahad ng suspek, nagsimula raw ito nang napag-interesan niya ang isang gadget na pag-aari ng isa nilang kapitbahay.

"Nagkaroon siya ng opportunity na para nakawin doon sa kapitbahay nila," ayon kay Senior Insp. Jose Hizon, chief investigator ng Valenzuela police.

Pero nang itinakas ni Dupilas ang gadget, tiyempong naglalakad noon sina Calito at ang anak nito. Sa takot na isumbong siya, isinagawa nito ang pananaksak sa mag-ina.

"Inuwi niya muna 'yung tablet, tapos bumalik siya dala na niya 'yung kutsilyo," sabi ni Hizon.

Sinampahan ng kasong murder, two counts of robbery, at robbery with homicide ang suspek.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Dupilas, inamin nitong nagawa niya ang krimen dahil sa pagkalango sa droga.

"Kalasingan po tsaka nakagamit po [ng droga]. Nawala po ako sa pag-iisip. Humihingi ako ng kapatawaran. Pagsisisihan ko na lahat ng ginawa ko," ani Dupilas.

Hinding-hindi naman daw mapapatawad ng naulilang si De Leon ang suspek sa nagawa nito sa kaniyang mag-ina. 

"Dalawang buhay kinuha niya sa akin. Wala naman kaming ginawa sa iyong kasalanan. Bakit ang pamilya ko pa? Dapat sa iyo, death penalty ang hatol," sabi ni De Leon.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO" ngayong Setyembre 15, Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.