'Nasa 34,000 pamilya, apektado sa hagupit ng bagyong Ompong'

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2018 10:18 PM | Updated as of Sep 15 2018 11:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 34,000 pamilya ang naapektuhan ng hagupit ng bagyong Ompong nang tahakin nito ang Luzon magdamag ng Sabado, ayon sa huling tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Dagdag ng ahensiya, 17,000 pamilya ang nananatili ngayon sa mga evacuation center sa buong Pilipinas.

Nakalabas na ng Philippine area of responsibility ang Ompong alas-9 ng gabi, ayon sa PAGASA.

Mga tumilapong kotse, nagliparang signage at yero, at pagtumba ng mga puno at poste ang naging eksena nang daanan ng Ompong ang iba't ibang lugar sa Luzon.

Una itong nag-landfall alas-1:40 ng madaling araw Sabado sa Baggao, Cagayan.

Nagkaroon naman ng power outages sa ilang lugar sa Luzon dulot ng bagyo, kabilang ang Metro Manila.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Cagayan unang nag-landfall ang Ompong at isa sa mga unang nakatanggap ng matinding hagupit nito.

Dahil dito, inilikas ang higit 10,000 residente sa Baggao, Cagayan.

Bumagsak pa ang kisame ng paliparan ng Tugueguerao, kaya nanatili itong sarado buong araw. Nawalan rin ng signal at komunikasyon sa lugar dulot ng bagyo.

Matapos ang kasagsagan ng hagupit, sinimulan na rin ang clearing operations para tanggalin ang mga nagliparan na puno, signage, at yero sa lugar.

Bagaman matindi ang epekto ng bagyo sa Cagayan ay walang pang naitatalang patay o sugatan sa lugar.

Watch more in iWant or TFC.tv

Gaya ng Cagayan, matinding pinsala rin ang natamo ng Ilocos Norte, kung saan lumipad pa ang bubong ng isang gas station.

Nagsi-check in pa ang ilan sa mga hotel bilang paglikas.

PAGASA FORECAST

Ayon sa PAGASA, makararanas ng patuloy na katamtaman hanggang malakas na ulan ang Metro Manila at sa Lunes pa inaasahang gaganda ang panahon.

May posibilidad pa rin daw bumaha sa Ilocos region, Zambales, at Bataan.

Nakataas sa orange rainfall warning ang Bataan at Bulacan, kung saan makararanas ng matinding pagbuhos ng ulan at pagbabadya ng pagbaha.

Yellow rainfall warning naman sa Zambales, kung saan makararanas ng malakas na buhos ng ulan na posibleng magdulot ng baha sa mabababang lugar.

Posible ring bahain ang mga barangay malapit sa mga dam dahil nagpapakawala pa rin ang mga ito ng tubig.

Binabantayan rin ang river basins kabilang ang Marikina River, La Mesa Dam, at Cagayan River na posibleng bahain.

-- Mga ulat nina Jeff Canoy, Zhander Cayabyab, Zandro Ochona, at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.