Mga residente sa flood-prone areas sa Negros Occidental, inilikas

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2018 08:39 AM

Agad pinalikas ang higit sa 100 residente sa dalawang barangay sa Hinoba-an, Negros Occidental dahil sa banta ng pagbaha. Nico Delfin, ABS-CBN News

HINOBA-AN, Negros Occidental – Mahigit 100 pamilya mula sa dalawang barangay ang inilikas bunsod ng pangambang dulot ng baha, Biyernes ng gabi.

Ang preemptive evacuation ay ginawa sa Barangay Alim at Culipapa upang maialis na ang mga pamilyang nasa flood-prone areas habang nagpapatuloy ang pag-ulan na dulot ng hanging habagat.

Pinaigting din ang monitoring ng mga local disaster response unit sa mga bayan ng Candoni at Ilog dahil sa pagbaha sa ilang barangay. 

Mula pa Biyernes ng gabi ay on-standby din ang mga miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office upang magmatyag sa pag-akyat ng tubig sa coastal areas ng probinsya dahil sa high tide. 

Naging malakas din ang mga alon kaya hindi na naka-biyahe papuntang Bacolod City ang mga fastcraft mula Iloilo City. 

Muli naman pinaalalahanan ng barangay officials ang mga residenteng naninirahan malapit sa mga dalampasigan na maging mapagmatyag laban sa storm surge na epekto ng bagyong Ompong sa probinsya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.