Higit 100 pamilya sa Zamboanga, inilikas dahil sa pagbaha

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2018 04:40 AM

RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Nagsilikas ang mahigit 100 pamilya nitong siyudad Biyernes ng gabi dahil sa pagbaha dulot ng habagat na pinalakas ng Bagyong Ompong.

Sa Barangay Tumaga, lumikas sa barangay hall ang mga pamilyang nakatira sa tabing-ilog.

Ayon sa barangay chairman na si Jacky Lim, may ilang residente pa rin ang ayaw lumikas sa kabila ng patuloy na pagtaas ng tubig-baha.

Binabantayan daw kasi nila ang kanilang bahay laban sa mga namamantala, aniya.

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Samantala, mahigit 60 pamilya ang lumikas sa covered court ng Barangay Santa Maria.

Ayon sa barangay chairman na si Los Eli Angeles, may isang bahagi ng riprap sa ilog ang nasira sa baha.

Nagbigay naman ng tulong ang mga barangay at lokal na pamahalaan sa mga apektadong pamilya. - ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.