'Ganti lang': Mga 'batang hamog' na kumuyog sa lolo sa jeep, dumepensa

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2018 04:58 PM | Updated as of Sep 17 2018 10:08 PM

Watch more in iWantTFC

Nakilala na ng mga pulis ang mga menor de edad na kumuyog sa matandang pasahero sa Maynila na nakuhunan ng video at kumalat sa social media.

Matapos kumalat sa social media ang video ng mga kabataan ay agad nagkasa ng operasyon ang Manila police.

Sa isinagawang rescue operation sa lugar ay 13 menor de edad ang nasagip.

“Previous meron na tayong isinagawang ganiyang rescue operations sa mga kabataan...Para din ito sa kanila kasi considered din natin na pag minors kasi, ang tawag sa kanila 'child at risk' so it’s either sila ang madisgrasya o sila ang makadisgrasya,” paliwanag ni Ermita police station commander Supt. Igmedio Bernaldez.

Dinala ang mga kabataang umano'y dawit sa viral video sa police station.

Pito sa kanila ang tukoy na sangkot sa pagkuyog sa matandang pasahero pero ayon sa kanila, ipinagtanggol lang nila ang kasamahang binastos umano ng lolo.

Kuwento ng grupo, hinabol nila ang matanda at nagkaabutan lang sa jeep.

Hindi nag-report sa pulis ang matandang pasahero sa video.

Ayon sa pulisya, makatutulong ang salaysay ng pasahero para malaman ang tunay na nangyari.

Maaari rin niyang sampahan ang mga kabataan ng robbery.

Pero sa ngayon, nasa kustodiya na ng DSWD ang mga menor de edad para mabigyan ng wastong gabay.

—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.