6 Abu Sayyaf patay, 23 sugatan sa engkuwentro sa Sulu

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2018 06:25 PM

Patay ang 6 na miyembro ng Abu Sayyaf Group habang sugatan ang 6 pang rebelde at 17 sundalo sa isang engkuwentro sa Patikul, Sulu, Biyernes.

Aabot sa 100 miyembro ng teroristang grupo ang nakaengkuwentro ng mga sundalo sa Barangay Bakong bandang 1:30 ng hapon.

Matapos ang ilang oras ay umatras ang mga rebelde, ayon kay Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, lider ng Joint Task Force Sulu, sa isang pahayag.

Natagpuan ang 6 na bangkay ng mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf habang kabilang sa anim na sugatan si Abu Sayyaf sub-leader Hatib Hajan Sawadjaan na nagtamo ng mga tama ng bala sa sikmura, hita at binti, sabi ni Pabayo.

Aabot naman sa 17 sundalo ang nasugatan dahil sa mga shrapnel, dagdag niya.

Dinala ang mga sugatan sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital habang ang mga bangkay naman ay isasailalim sa forensic examination bago ilibing.

Nakuha mula sa kuta ng mga rebelde ang 5 baril, mga bala at isang cellphone.

Patuloy na tinutugis ng mga sundalo ang mga nakatakas na miyembro ng Abu Sayyaf.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.