Pulis at mga katutubo, nagkagirian malapit sa US Embassy

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2017 11:15 AM | Updated as of Sep 16 2017 02:04 AM

Nagkagirian ang mga pulis at grupo ng militanteng katutubong nagtangkang makalapit sa US Embassy, Biyernes.

Nagkasagupa ang dalawang panig nang magbarikada ang mga pulis upang pigilan ang paglapit ng mga ralyista sa embahada.

Pilit namang lumulusot ang mga militante at nauwi sa tulakan at batuhan ang pagtatagpo.

Dalawang sasakyan ang dagdag na ipinangharang ng mga pulis. Nakaantabay din ang isang fire truck ng Manila Fire Department.

Sinubukan namang awatin ng mga lider ng militanteng grupo ang mga miyembro nito, ngunit nabigo.

Ginugunita ng mga katutubo ang marahas na dispersal ng mga pulis sa mga raliyista sa US Embassy noong nakaraang taon. 

Nais din nilang ipahayag ang kanilang pagtutol sa patuloy na panghihimasok ng Amerika sa Pilipinas. Hiling din nila ang pagtigil sa bakbakan sa Marawi na umano'y kagagawin din ng Amerika.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.