Pamilya ng binatilyong natagpuang naaagnas, humiling ng proteksiyon

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2017 04:15 PM

Matapos makatanggap ng balitang may umaaligid sa kanilang tahanan sa Caloocan City, humiling ng proteksiyon para sa kanyang pamilya ang ama ng binatilyong natagpuang naagnas.

Ayon kay Dionisio Remecio, ama ng 16-anyos na si Michael Angelo, may nakita umanong mistulang nagmamanman sa kanilang tahanan, ngunit agad namang lumisan nang usisain sa pakay.

"Hindi ko lang alam kung anong tinitingnan niya. Kung hindi masama ang intensiyon niya, dapat pagtanong sa kanya kung sino hinahanap, dapat hinarap niya yung nagtatanong, hindi yung kusa na lang siya umalis," pahayag ni Dionisio.

Ikinababahala ng pamilya ang insidente at umapela ng proteksiyon sa kinauukulan.

Samantala, nakaburol na sa tahanan ng pamilya Remecio ang mga labi ni Michael Angelo.

Alas-11 Biyernes ng umaga nang madala sa kanilang tahanan ang mga labi ng binatilyo.

Mananatiling nakasara ang kabaong dahil nasa decomposing stage na ang katawan ng biktima. Nakatakdang ilibing ang binatilyo sa darating na Miyerkoles.

Posibleng ilabas na rin bukas ang resulta ng DNA at autopsy sa bangkay ng bata.

Huling nakitang buhay ng mag-asawa ang kanilang anak noong Agosto 26. Hindi na ito umuwi pa matapos na magdamag mamasada ng tricycle. 

Natagpuan na lamang ang naagnas na bangkay ni Michael na nakasilid sa sako at nakatali ang kamay sa isang sapa sa San Jose del Monte, Bulacan nitong Setyembre 12. -- May ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.